Pages

Thursday, 19 April 2012

Umayon sa Ganda


Umasal lamang nang ayon sa ganda.

Dahil sa mundong pataas nang pataas ang stress levels, dala ng banta ng climate change, kriminalidad, trapik, polusyon. Wala nang mas nakakakulo ng dugo kesa sa isang taong hindi umaasal nang ayon sa kagandahan.

Eto ang ilang tips mula kay Lourd:

‘Wag artehan ang pananalita. Wag lagyan ng impit at kulot kung wala rin lang natural na impit at kulot ang dila mo—unless lumaki ka sa US, nag-aral sa mamahaling paaralaan, nakatira sa exclusive subdivision, o nanggaling sa pamilya ng mga panginoong may-lupa.

‘Wag magpumilit mag-Ingles kung di ka rin lang naman lumaki sa Forbes Park o nag-aral sa I.S. Mas lalong wag na wag kung mali-mali rin lang naman ang Ingles mo.

‘Wag mag-sleeveless kung maitim ang kili-kili. ‘Wag na ‘wag mag-sleeveless kung maitim na nga ang kili-kili, pamalo pa ng dalag ang mga braso mo. Mas na mas na ‘wag—nakikiusap kaming lahat lalo na ang mga tropa ko dito sa Project 2—lalo na’t lumalabas ka pa sa TV. Alam naming karapatan ng bawat tao sa mundong itong magsuot ng sleeveless, pero tandaang karapatan din naming laitin ka nang bonggang-bongga.

Kung di rin lang naman kagandahan, wag magti-tweet ng “WALANG GUWAPO DITO” dahil masaklap ang tatalbog sa iyo na paghusga. Wag rin magti-tweet tungkol sa kalidad ng wine lalo na’t bisita ka lang. At kahit na may training ka sa oenology, ‘wag manglalait ng wine ng ibang tao—lalo na’t pinapasuweldo ka ng taong bayan.

Kung ka-edad mo na si Madonna, wag nang labanan ang makinarya ng panahon at isipin na ikaw pa rin ang seksing haliparot noong 1985. Kahit cultural icon ka na. Ang pagsuway dito ay magdudulot lamang ng matinding bangungot sa mga milyong-milyong tao tulad ng sa latest mong music video.

Kung ‘di rin naman talaga model, huwag tangkaing mag-model—maliban na lang kung ang produkto ay hollow blocks o kaya’y Pigrolac. Sinadya ng Diyos na bigyan ng angkop na tangkad at ganda ang ibang tao para sa trabahong ‘yun.



Lourd de Vera.

No comments:

Post a Comment