Pages

Thursday, 24 May 2012

Mga Istilo ng mga Mangungutang


Utang. Lahat ng tao'y meron nito. Utang na loob at utang sa mga materyal na bagay. Kahit na ang ating bansa ay lubog sa utang na hindi malaman kung paano babayaran. Hindi ko alam kung likas na sa ating mga pinoy ang pangungutang o sadya lang matulungin ang ating lahi na hindi natin kayang tanggihan ang humihingi ng "tulong". Wala sanang masama kung ito'y binabayaran. Pero kadalasan, tinatakbuhan lang. Minsan pa dinadaan sa sakit na "kalimot".

Nautangan kana ba tsong? Nagoyo ka na ba ng ilan sa iyong mga kakilala? Kung ganun, malamang meron ka nang ideya sa mga iba't ibang uri ng istilo na ginagamit ng mga madalas mangutang. Para sa kapakanan ng lahat, minaigi ko'ng ilista ang ilan sa mga ito:


1. KUMUSTAHAN STYLE

Epektibo lalo na kung madalas kayong hindi magkita. Istilo ng mga ito ang biglang magparamdam sa text lalung lalo na sa chat ng FACEBOOK. Magsisimula sa simpleng

"Hi! Musta na? Ano'ng balita sa yo?"

Siyempre sasagutin mo naman ng

"Oi! Eto ayos lang tsong! Ikaw?"

Matapos ang ilang palitan ng mensahe, asahan mo'ng isisingit na nito ang kanyang plano.

"Eto nga eh, medyo gipit. Nagastos kasi ni nanay yung pambayad sa kuryente. May extra cash ka ba diyan? Pahiram naman. Hehehehe"

2. PAAWA EFFECT

Halimbawa nito ay ang pagrereport sa trabaho na malungkot ang facial expression. Para ma-achieve ang paawa look, gawain ng mga ito na kusutin ang kanilang mga mata para magmukhang bagon'g iyak. Para mas effective, kailangan meron'g konting luha. Didiretso sa kanyang workstation at kunyari'y magtatrabaho pero para mapansin, kakailanganin nila ang kunyari'ng pagpunas ng mata at pahikbi-hikbi effect. Siyempre, concern ang mga officemates at tataanungin siya:

"uy, Ok ka lang ba? Ano'ng problema? Baka may maitulong kami"

Huli ka sa bitag niya!

"Yung lolo ko kasi, namatay uli. Kulang pa kami ng pera sa punerarya at pambili ng bagon dual sim na cellphone at pang-groceries."

At dahil maawain talaga tayo'ng mga pinoy kahit niloloko na, tiyak na marami ang kakagat sa patibong na ito.


3. BUO ANG PERA, MAY BARYA KA BA?

Madalas mahilig sa kapritso at gimik ang mga ito. Laging nagyayaya na magmalling, manood ng sine, magchillax, kain sa labas etc. Siyempre sasama naman ang tropa para mag-unwind. Eto na lang ang problema. Style ng mga ito na laging buo ang pera. Kahit sa pamasahe, hahanap iyan ng paraan.


"Bayad mo muna ako ha, walang barya eh"

"Kaw muna bumili ng ticket, food, etc. Bayaran ko na lang bago tayo umuwi."

Hanggang sa matapos ang gimik. Sasabihin na niyang:

"Di pa ko bayad sa iyo noh? May papalit ka ba sa buong 2 thousand? Oh sige bukas ko na lang bayaran."

At dumaan ang maraming taon, ang utang niya'y sadya nang kinalimutan

4. CHIKA MINUTE

Madalas ito'ng style ng mga mahilig umutang sa tindahan. Tatambay ang mga ito sa harap ng sari-sari store at makikipagchikahan sa may-ari o bantay ng tindahan.

"Grabe ang init ng panahon ngayon ano? Alam mo bang buntis pala si Nena kay Tukmol! Hindi mo alam? Aba'y pinagpipiyestahan nga dito sa barangay natin! Pakuha nga muna ng Sarsi. Iabot ko mamaya ang bayad. May bago palang flavor yang Oishi? Bigyan mo nga ako at sabay ko na lang sa sarsi ang bayad."


At lumipas ang ilang dekada, hindi pa rin siya nagbayad.

No comments:

Post a Comment